Pagbabalik
Agosto na naman. Panahon kung saan maraming
Pilipino ang nagbabalik sa Pilipinas upang makasama ang mga mahal sa buhay. Mainit
sa Gitnang Silangan, tulad ng
nagbabagang araw, mainit ang paligid. Di nga ba at maraming namamatay sa
heat stroke, high blood pressure at atake sa puso. Dahil dito mas marami ang naglalagi lang sa
air-conditioned rooms o sa mga malls para palipasin ang araw. Mas masarap umuwi
at magbakasyon sa Pilipinas. Mas masarap makasama ang mga mahal sa buhay. Hindi
bale na ang gastos, mas higit na nakakapanabik ang makapiling sila, kahit ilang
panahon lang.
Sa loob ng eroplano (salipawpaw o sasakyang panghimpapawid?) marami na ang
naglalaro sa aking isip. Kumusta na kaya
si Shian at Shane? Malaki na si Shane nuong huling iwan ko. Marami na siyang
tanong sa akin. Bakit daw aalis akong muli? Bakit daw hindi na lang doon ako
mag-trabaho? Mahirap sagutin ang mga musmos na katanungan. Sa ganang akin mas
madali kung ang magtatanong sa akin ay si Des, ang aking asawa. Basta ang isinagot
ko lang, bibilhan ko siya ng I-pad. Duon nasagot ko tanong niya. May kislap na
bumalot sa kanyang mga mata. Ibig sabihin nun, aalis ako dahil sa pera. Sa
musmos niyang kaisipan, ang I-pad ay katuparan na ng isang musmos na pangarap.
Narinig ko na lang ang flight attendant sa kanyang panawagan:” Mga binibini,
ginang at ginoo, lalapag na po tayo sa pandaigdigan paliparan ng Ninoy Aquino,
mangyari lamang na manatiling nakasukbit ang sinturong pangkaligtasan….”
Mainit ang sumunod na tagpo. Yakap ng pagmamahal. Una kong nakita si Shian sa
labas ng airport. Nandun si Zle, ang panganay, Si Des, ang may bahay at si
Shane ang pang-gitna. Lahat ay may saya. Hindi ko maipaliwanag ang aking
nararamdaman. Masaya ba ako, excited, mixed emotions? Ang mahalaga kapiling ko
sila. Mas nakapapanaig ang sarap ng makitang buo muli ang pamilya.
Kumain kami sa isang Sea Food Restaurant. Ang nakasabit sa labas nakaratula,
ituro mo ihahain ko. Natawa ako, sabi ko kay Des, huwag mo akong ituro, ha.
Tawanan. Saan tayo ngayon, tanong ko? Ocean Park. Excited ang mga bata.
Maipagmamalaki ko na dito sa Pilipinas,
kung saan ang karagatan ay maraming yamang dagat, nakagagawa sila ng mga
dambuhalang aquarium na tulad nito. Sabi nga ng isang tourism advertisement: there is more fun in
the Philippines. Imagine, pwede kang magpamasahe ng paa sa libo-libong mga
isda.
Naibigay ko na ang mga pasalubong. May isang umiiyak. Si Shian. Bakit daw wala
siyang Ipad. Sabi ko anim na taon ka pa lang. Hindi mo pa alam gamitin yun.
Nagulat ako sa sagot niya. “Hindi ako tanga. Alam kong gamitin yun. Alam kong
magcomputer.” Sabi ko hindi ka naman nagbilin sa akin. Si Ate mo lang ang
nagbilin nuon. Tinanong ko ang panganay, si Zle, marunong ba siya? Ang sagot,
ay naku Papa, mas nauna pang natutong magcomputer kaysa sumulat ng pangalan. Sabi
ko na lang, para walang away, yun laptop ko na lang ang gamitin niya.
Maraming umukilkil sa isip ko.Marami na akong namissed. O naimis-interpret.
Nuong umalis ako, ang nasa isip ko mas magandang kinabukasan ang naghihintay sa
akin sa abroad. Sa aminin ko man at sa
hindi, financially, mas maganda ang takbo ng buhay. Ngunit sa kabila nuon, ang
mga panahong dapat ay kasama ko sila: wala ako. Sa mga pictures,
nakikita ko ang saya nila: Birthday celebrations, Anniversary, All Saint’s Day, Christmas Day, New
Year’s Day. Masaya lalo kapag na-greet
ako ng Happy Father’s Day. May kurot sa puso ang mga mensahe, tagos sa
kailaliman ng isip ko. “You are the greatest Father in the world Papa.” Sa
ganang akin, dapat ba malayo ang isang Ama, para maging masaya sila? Hindi ba mas masaya, kung kasama ang mga anak ko na
lumalaki?
Kailan ba alis mo?, tanong ni Des. Next week pa, bakit pinaalis mo na ba ako? Gusto kong magtampo. Bakit, hindi ka ba
sanay na nandito ako? Nagtampo naman agad. Baka kasi makalimutan mo flight mo. Hindi
ba last time naiwan ka ng eroplano? Oo nga naman, kasi ang sarap magbakasyon.
HIndi lang alam ng misis ko, mas gusto ko nang manatili dito. Mas masarap
makitang lumalaki ang mga anak mo. Pero hindi ko masabi.Sa loob ko,ano ba ang silbi na nandito ako, pero hindi ko naman maibibigay
ang ginhawa ng buhay. Mahirap talagang maging mahirap.
Para makabawi kay Shian, dinala ko sila sa Q-Zone. Isang malaking palaruan ng
mga bata. May mga computer games, videoke, giant play ground. Masaya na si
Shian. Sabi niya hindi na daw siya galit sa akin. Tinitingnan ko siya habang
naglalaro ng computer. Ang bilis ng kamay. Sa loob-loob ko paano niya
naiintindihan yun eh hindi pa nga siya sanay bumasa. Pero mahusay nga, nasa
level V na siya at pumapalakpak sa salitang “Congratulations”. Iba na nga
talaga ng hibo ng mga kabataan ngayon. Marami na silang alam na hindi natin
natutunan noong mga bata pa tayo. Kasunod ng pagyabong ng teknolohiya, ang
pagkakatuto ng mga kabataan at pagkakahilig sa computer games. Kung aalis ako,
baka hindi ko na masundan kung paano huhubugin ang aking mga anak. Ngunit sa pagitan ng pagtatalo sa emosyonal at
pinansyal na pangangailangan, mas nakahihigit ang pagiging praktikal. Kahit
papaano, isang pampalubag loob na sa mga OFW na makitang nabubuhay ng maringal
ang iyong pamilya. Ang emosyon naman, lilipas din. Ang pangungulila napupunan
din. Bakit naman kasi kailangan lunurin mo ang buhay sa mga sentimyento tulad
ng isang telenobelang puno ng pighati at kalungkutan.Mahirap ngang maging mahirap
kaya dapat umalpas sa kalagayang ito.
Asalam Alaikum, bati sa akin ng kaibigan kong Arabo. Alaikum Salam, sagot ko.
Muli, bumalik ako sa Gitnang Silangan na may ngiti sa labi. Maraming karanasang
itatangi. Bawat minuto at segundong nakasama ang mga mahal sa buhay, mananatili
sa mga pahina ng kasaysayang isinulat na hindi kayang tumbasan ng salapi.
Nakaaliw ang binitawang salita ni Shian kung bakit ayaw niyang tumigil sa
pag-iyak. Ayon sa kanya, hindi siya titigil dahil pa ubos ang kanyang luha.
Nakaaliw pero totoo. Tulad natin, hindi tayo tumitigil mangarap dahil, ang
pangarap libre lang. Ang luha kusang bumabalong, hindi mapipigil ng ganun ganun
lang. Tulad ng pagtulo ng luha, patuloy ang agos ng buhay.
No comments:
Post a Comment